• HRS News

TESDA, MinDA bumisita sa Balik Probinsiya pilot area


KAUSWAGAN, LANAO DEL NORTE — Isang mahalagang programa ng gobyerno ngayon ay ang magkaroon ng harmonisasyon ang implementasyon ng serbisyo para sa mga tao.

Bunsod ng whole-of-nation approach sa ilalim ng Eexecutive Order No. 70, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na palakasin ang mga serbisyong ng gobyerno upang tuluyan nang matapos ang kaguluhan o ‘armed conflict’ sa bansa.


Isang manipestasyon ng adhikaing ito ang Balik Probinsiya, Bagong Pag Asa Program.


Ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay nag organisa ng site visits sa mga piling lugar sa Mindanao araw ng Huwebes particular sa Bukidnon, Misamis Oriental, Iligan City, at Lanao del Norte upang matignan ang mga programa ng gobyerno na tumatakbo sa mga lugar na ito.


Nanguna sa pagbisitang ito ang mga representante ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na sina Region X Director Tarhata Mapandi at Region XI Director Lorenzo Macapili. Kasama din sa grupo si Lanao del Norte Provincial Director Noralaine Rasul.


Sa orihinal na plano, si TESDA Director General Isidro Lapeña ang bibisita subalit dahil sa ibinabang MECQ sa metro Manila, hindi na natuloy ang Kalihim.


Nagkaroon ng ‘stopover’ sa Munisipyo ng Kauswagan ang grupo kung saan ay nagkaroon ng pagkakataon ang LGU na ipakita sa mga panauhin ang mga kasalukuyang programa dito.


Naging highlight sa presentasyon ang ‘Balik Probinsya, Bagong Pag-asa’ o BP2 program ng National Government. Nagbigay ng ‘briefing’ si Municipal Mayor Rommel Arnado kaugnay sa proyekto kung saan nagbibigay ng suporta ang TESDA bilang miyembro ng BP2 national council.


Sa kanyang mensahe, sinabi ni Arnado na ang TESDA ay ang ’key and Backbone’ ng BP2 dahil sa importansya ng mga trainings na ibibigay sa mga benepisyaryo. Dalawang daang pamilya ang mabibigyan ng pagkakataong makauwi sa Kauswagan sa ilalim ng programa at mahalaga ang technical skills program ng TESDA para sa mga ito.


Inanunsyo din ni Arnado na hinihintay na lang ng LGU ang pagdownload ng pondo mula National Housing Authority upang tuloy-tuloy na ang pagpapatayo ng isang daang duplex houses. Sa kasalukuyan, natapos na rin ang model house na ipinatayo ng LGU.


Dalawang buwan na ang nakalipas, nagbigay ng donasyon ang GNPower Kauswagan na sampung milyong piso para sa programa at ito ang gagamiting pondo para sa mga dagdag farming at livelihood programs. Ang pondong ito ay ginamit din sa pagbili ng mahigit anim na ektaryang lupain sa barangay Tacub.


Ipinagmalaki naman ni Arnado ang mga farm equipment ng LGU at handang gamitin anumang oras na kailanganin ang mga ito ng mga benepisyaryo na handang yakapin ang pagsasaka.


Ang Kauswagan ay tinaguriang model LGU pagdating sa organic agriculture kung saan naging matagumpay ang “From Arms to Farms Program” na isa sa mga naging pangunahing sanhi ng kapayapaan sa lugar. Si Arnado ang kasalukuyang pangulo ng League of Organic Agriculture municipalities, cities and provinces of the Philippines.


Ilang taon na ang nakalipas, nagbalik loob sa gobyerno ang mga dating kumander ng mga rebeldeng grupo at binigyan ang mga ito ng suporta sa pagsasaka sa ilalim ng programa. Dahil dito, nanalo ang LGU at si Arnado ng Peace Prize Award sa Bogota, Colombia taong 2016.


Pinasalamatan ni Arnado ang TESDA bilang kapartner nito sa pag-unlad ng Kauswagan.

Kasama ang TESDA Region X at Lanao Del Norte representatives, ibinunyag ni Macapili na magtatayo ang TESDA ng productivity center sa BP2 Bagong Pag Asa Green Village sa Tacub.


Kasama din sa aktibidad ang mga representante ng Mindanao Development Authority na pinadala ni Secretary Manny Piñol na patuloy ang pag suporta sa programa.


Ang kaganapan ay dinaluhan ng mga Barangay Officials, mga miyembro ng Sanguniang Bayan at mga empleyado ng LGU.


Isinalaysay ni Macapili na ang magandang balita tungkol sa EO 70, kung saan aniya kailangan ng convergence ng mga programa ng national agencies tungo sa implementasyon nito.


Dagdag pa ni Macapili, mahalaga ang ’Speed at Accuracy’ kung saan ay nakita niya umano dito sa pamumuno ni Arnado.


Binisita ng grupo ang model house sa Bagong Pag Asa Green Village at ipinakita ni Arnado ang malawak na lugar kung saan itatayo ang komunidad na magbibigay ng bagong oportunidad at pag-asa sa ating mga kababayan.



121 views0 comments

Recent Posts

See All