• HRS News

Sangguniang Kabataan, namigay ng pamaskong handog sa Balay Silangan


KAUSWAGAN, LANAO DEL NORTE (14 Disyembre 2020) — Bumisita at nagsagawa ng outreach program ang Sangguniang Kabataan Federation ng Kauswagan sa Balay Silangan Reformatory Center kung saan namigay ito ng pamaskong handog at nagsagawa ng team building activity kasama ang mga enrollees ng reformatory center.


Nagsagawa ng programa ang SK Federation sa pangunguna ni SK President Marjune Carballo para sa taunang outreach activity ng grupo.


Sa kolaborasyon ng LGU Kauswagan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naitayo ang kanlungan ng mga drug offenders na may kasamang pangakong bagong buhay para sa kanila. Ang Balay Silangan ay isang nasyonal na programa na binuo ng PDEA kasama ang Philippine National Police (PNP) sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan upang mabigyang tulong ang mga sumukong personalidad na may kaugnayan sa paggamit o operasyon ng iligal na droga sa bansa.

Ang reformatory center ay nag-aalok ng pansamantalang kanlungan na may layuning baguhin ang mga indibidwal na minsa’y nalulong sa droga upang mabago ang kanilang buhay at maging mabuting bahagi ng lipunan. Sa loob ng pasilidad ay may mga sinusunod na mga alituntunin at pag didisiplina sa bawat miyembo nito kung saan sumasailalim sila sa reformatory programs.

Ayon kay Coach Raymond Zamora na administrador ng pasilidad, mahigpit ang pagpapatupad ng mga programa dito. Sa katunayan, umaabot sa ilang buwan na walang contact sa kanikanilang pamilya ang mga enrollees bilang bahagi ng kanilang disiplina.

Ang Balay Silangan sa Kauswagan ay nagbibigay ng mga serbisyo sa mga nais matigil ang kanilang mga masasamang bisyo at maipatuloy ang kanilang edukasyon, kamalayan sa kalusugan, sikolohikal, ispiritwal at pisikal na mga aktibidad. Binibigyang panahon din ang pagpapayo, pagbawi ng moralidad, pagbuo ng halaga, personal at kasanayan sa buhay.

Bilang suporta sa programa ng Balay Silangan, ang SK Federation ay gumagawa ng taunang outreach program para dito kung saan nakikipagsalamuha at namimigay ng mga regalo ang mga kabataang lider sa mga enrollees dito.

Ayon kay Carballo, ginaganap din nila ang team building activities para sa mga enrollees upang maipadama ng mga kabataan ang kahalagahan nila bilang mamamayan.


Dagdag ni Carballo, adhikain ng Sangguniang Kabataan na makatulong sa mga enrollees sa pamamagitan ng pagbigay inspirasyon at pag ganyak sa bawat enrollee para sa magandang kinabukasan nila at mga oportunidad sa labas ng reformatory center pati na rin ang kampanya laban sa iligal na droga.


Samantala, ang lahat ng mga aktibidad na ito ay suportado at nasa ilalim ng superbisyon ni Mayor Rommel Arnado. Dagdag dito, pinapaigting ng alkalde ang kampanya laban sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at anumang nakakasamang bisyo sa kabataan at mga residente ng Kauswagan.

23 views0 comments

Recent Posts

See All