• HRS News

PUMs ng Kauswagan bumaba, “completed quarantine” tumaas



KAUSWAGAN, LDN (24 Mar 2020) — Kasabay ng matinding pag-iingat at mas pinaigting na community quarantine dito ay ang pagbaba ng kaso ng naitalang PUMs at pagtaas ng bilang ng mga residenteng nakumpleto ang home quarantine kahapon.


Ayon sa official COVID-19 summary report na isinumite ni Municipal Health Officer-OIC, Dr. Arthur Dale Y. Laguerta, bumaba sa 124 na kaso ng PUMs ang kanilang naitala araw ng Lunes kumpara sa 149 nitong nakaraang Marso 20.


Mayroong dalawampung “completed quarantine” naman sa ngayon, kumpara sa lima nitong nakaraang tatlong araw.


Ito’y mabuting indikasyon ng epektibong pamamaraan sa pagsugpo ng nakamamatay sa sakit.


Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag monitor sa mga naitalang PUMs at pagpapalakas ng mga naitalagang check points upang patuloy ang pag control at maiwasang makapasok ang nasabing virus.


Samantala, si Mayor Rommel Arnado na kasalukuyang nasa ika-sampung araw ng kanyang home quarantine ay patuloy ang pagbibigay direksiyon at gabay sa mga department heads at iba pang opisyal ng munisipyo. Kasalukuyang inaayos at ginagawang pinal ang “work arrangements” ng mga empleyado alinsunod sa Executive Order No. 6 na nilagdaan ni Gob. Angging Dimaporo ng Lanao del Norte.


“Malakas ang naging tugon ng ating mga opisyales at empleyado pati na rin sa barangay level. Makikita natin ang kooperasyon at pakikipag tulungan ng bawat isa. Pruweba ito na sa pagtutulungan ng lahat, maayos din ang krisis na ito at sa awa ng Diyos, hindi pa rin nakakapasok ang coronavirus sa Kauswagan at sa buong probinsiya,” tugon ni Arnado.


Ang lahat ng updates patungkol sa coronavirus mula sa LGU at Kauswagan local Task Force COVID-19 ay matatagpuan sa opisyal na Facebook page ng munisipyo.


(Sweet Lucman/ Office of the Mayor, Kauswagan LDN)

54 views0 comments