• HRS News

Mangingisda, umaasang maibalik na sa normal ang pamumuhay sa gitna ng ‘public health crisis’


Lumalakas na ang industriya ng pangingisda sa bayan ng Kauswagan. Lanao del Norte mahigit sampung taon ang nakalipas mula noong mahigpit nang ipinagbawal ang dynamite fishing at iba pang illegal na uri ng paghuli ng isda. Subalit sa kasalukuyang pagpapatupad ng ECQ, higit na naapektuhan ang pangingisda maging ang kalakal sa merkado kung saan limitado ang galaw ng mga mangingisda at mamimili. (Photo: H.Clavite/HRS Media)

KAUSWAGAN, LANAO DEL NORTE (28 Abril 2020) — Lubhang naapektuhan ang pang araw-araw na kita ng mga mangingisda dito bunsod ng pinapalawig na enhanced community quarantine ngayon dulot ng coronavirus disease (COVID-19) na kumakalat sa bansa.


Katulad ng marami pang coastal municipalities sa lalawigan ng Lanao del Norte, mahalagang bilang ng populasyon ng Kauswagan ang umaasa sa kita mula sa dagat. Mahigit limang porsyento ng populasyon ang umaasa dito.


Maraming taon na ang nakalipas, naapektuhan ang industriya bunsod ng iligal na pamamaraan katulad ng dynamite fishing.


Mula 2010, ipinagbawal ng alkalde na si Mayor Rommel Arnado ang iligal na pangingisda at nagtalaga ang munisipyo ng protected marine sanctuary upang mabigyan ng pagkakataong dumami at muling mabuhay ang marine life dito.


Sa nakalipas na sampung taon, tumaas ang produksiyon ng isda at naging mas progresibo ang industiya ng pangingisda.


Subalit kagaya ng ibang sektor ng lipunan, ang enhanced community quarantine na kasalukuyang nakataas dito ay nagpabago ng kondisyon ng mga mangingisda. Dahil sa social distancing scheme, nililimita ang bilang ng mga mangingisda sa isang bangka at naapektuhan din ang pangangalakal sa merkado dahil limitado na rin ang paggalaw ng mga mamimili.


Ayon kay Reynaldo Lapitahe, isang mangingisda, tumaas na ang kanilang kita mula noong ipinatupad ang batas laban sa illegal fishing. Subalit hirap naman silang mangisda ngayon at bumaba ang kanilang kita dahil sa ECQ.


“Lumakas talaga ang kuha namin. Marami na kaming nakukuhang isda mula noong ipinagbawal ni Mayor Rommel Arnado ang dinamita at iligal na pangingisda mula noong syay umupo. Ibang-iba na ngayon kumpara noong dati. Maraming tuna, balu, at iba pang isda,” ayon kay Lapitahe na mahigit 30 taon nang mangigisda sa Kauswagan.

Pansamantalang pinapayagan ang mga lokal na mangingisda sa Kauswagan, Lanao del Norte na makakuha ng isda sa loob ng protected marine sanctuary bunsod ng kasalukuyang pinapatupad na enhanced community quarantine sa lalawigan. (Photo: H.Clavite/HRS Media)

Ayon sa municipal agriculture office, pansamantalang pinapayagan ang mga mangingisda sa protected marine sanctuary dahil sa ECQ subalit hirap pa rin sa pagbebenta ang mga mangingisda.


Umaasa si Lapitahe na maibalik na sa normal ang lahat upang bumalik naman sila sa kanilang pamumuhay sa karagatan.


“Sana bumalik na talaga kasi hirap na hirap kaming manguha ng isda. Hirap din kaming magbenta kasi wala naman bumibili,” ayon kay Lapitahe.


Sa isang banda, halata namang nag refresh ang karagatan at dahil limitado na nga ang pangingisda, yumayabong ang lamang dagat. Katunayan, isang grupo ng mga dolphins ang namataan ng mga mangingisda kahapon mahigit sampung kilometro mula sa dalampasigan ng Kauswagan.


Nabago man ang routine o gawain ng ating mga kababayan bunsod ng ECQ na sanhi ng coronavirus, nabigyan naman ng pagkakataon ang mga karagatan na yumabong upang mabuhay at dumami ang mga lamang dagat – hudyat ng isang maayos at magandang pamumuhay para sa ating mga kababayang mangingisda bukas makalawa pag natapos na ng krisis.

40 views0 comments

Recent Posts

See All