• HRS News

LGU, kinumpirmang suspendido ang 'fishing ban' subalit nananatiling protected ang 'marine sanctuary'


Naka-suspendi ang fishing ban sa Kauswagan, Lanao del Norte ngayong panahon ng enhanced community quarantine subalit nananatiling protected ang marine sanctuary. (Photo: H.Clavite/HRS Media)

KAUSWAGAN, LANAO DEL NORTE (29 April 2020) – Nilinaw ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng lokal na pamahalaan dito na pansamantalang naka-suspendi ang fishing ban sa karagatan ng Kauswagan subalit hindi kasama dito ang protected marine sanctuary. Ayon kay Mergie Larigo, ang fishery focal point ng MAO suspendido ang fishing ban nitong panahon ng enhanced community quarantine.


“Among giwala ang fishing ban aron makapangisda ug makapanginhas ang mga tawo. Pero dapat naa gihapon social distancing, dili mag tapok-tapok ug dili pwede nga daghan tawo sa usa ka sakayan,” sabi ni Larigo.


(Tinanggal namin ang fishing ban para makapangisda ang mga tao. Pero kailangan pa rin ng social distancing at hindi pwede ang maraming tao. Hindi rin pwede ang maraming sakay sa isang bangka.)


Kinumpirma din ni Mayor Rommel Arnado ang posisyon na ito at sinabi ng alkalde na ang marine sanctuary ay nananatiling isang “protected area.” Pinaliwanag ni Arnado na sa kasalukuyan, mayroon “fishing ban period” na tatlong araw sa loob ng isang buwan. Ito ang sinuspendi ngayong panahon ng ECQ.


Unang napabalita na pansamantalang pinayagan ng LGU ang mga mangingisda na pumasok sa marine sanctuary na kabaligtaran ng utos ni Arnado.


“Ang marine sanctuary ay mananatiling lugar na walang aktibidad. Ang nakasuspinde ngayon ay ang 3-day fishing ban,” ayon kay Arnado.

Sarado sa publiko ang Longest Boardwalk sa Kauswagan, Lanao del Norte ngayong panahon ng ECQ habang nananatiling protektado ang marine sanctuary na nakapaligid dito. (Photo: H.Clavite/HRS Media)

Dahil dito, bawal pa rin ang pagpasok o paggawa ng kung anumang aktibidad sa loob ng tig-sampung ektaryang marine sanctuary sa Poblacion at Dalicanan.


Sa kasalukuyan, umaasa ang mga mangingisda na magkaroon ng pagbabago sa mga dagdag na limitasyon sa ilalim ng ECQ ngayong parating ang implementasyon ng general community quarantine (GCQ). Ang LGU ay naghihintay ng kaukulang direksiyon mula sa Provincial Government of Lanao del Norte ukol dito. Inaasahang maglalabas ng panibagong Order ang tanggapan ni Gob. Imelda “Angging” Dimaporo tungkol sa GCQ.

38 views0 comments

Recent Posts

See All