• HRS News

LGU Kauswagan, inihayag ang continuity plan


KAUSWAGAN, LANAO DEL NORTE (27 Abril 2020)— Nilinaw ng local government unit (LGU) ang napabalitang namigay ng tig 25 kilo ng organic rice at gulay ang LGU sa 13 barangay dito.


Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang balitang nailathala sa Inquirer.net at karamihan sa mga netizens ay umalma dahil wala naman silang natatanggap na isang sakong bigas.


Walang pormal na interview sa parte ng LGU ang naganap patungkol dito at walang inilabas na impormasyon ang tanggapan ni Mayor Rommel Arnado ukol dito. Nakipag ugnayan na rin ang mga media relations personnel ng alkade sa Inquirer upang maiklaro ang impormasyong ito.


Maging si Kagawad Mat Benitez ng Barangay Libertad (Lapayan) na kinilalang “source” ng impormasyon ay nagsabing mayroong tig limang kilong bigas lamang ang kanilang ipinamimigay na parte ng “staggered” na distribusyon. Kaugnay dito, namili din ang mga barangay ng organic vegetables sa communal farms at ipinasa ang mga ito sa mga residente sa murang halaga.


Matatandaang ang LGU ay naglunsad din ng mobile palengke kung saan dinala sa mga barangay ang “organic produce” ng mga organic farmers upang maibsan ang hirap ng mga apektadong pamilya sa kanilang pamamalengke.


Ayon kay Benitez, 2 beses na silang namigay sa Lapayan at may nakaantabay pang 2 batch na ipamimigay na bigas na tig 5 kilo bawat household.


“Kayang mamigay hanggang ikalimang beses ang barangay Lapayan kung kinakailangan at kung sakaling ipa-exhaust ang pondo ng aming Barangay,” ani Benitez.


Dagdag pa ng barangay kagawad, sang ayon siya at sumusuporta sa istratehiya at pamamaraan ng LGU sa pamimigay ng ayuda sa bawat barangay kung saan ang quick response funds (QRF) ng barangay ang unang gagamitin upang makapagbigay tulong sa mga apektadong komunidad.


Ayon sa policy guidelines ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng Local Budget Circular No. 124 na inilabas noong March 26, 2020, lahat ng probinsiya, siyudad, munisipyo at barangay ay pinag-uutos na magpalabas ng pondo para sa mga programa upang mahadlangan ang pagkalat ng COVID-19. Kasama dito ang suportang ibinibigay sa mga apektadong komunidad.


Ayon sa kautusan, ang local chief executive ay pinapayagang mag “augment” o magbigay ng karagdagang pondo mula sa ipon o savings ng munisipyo kung kinakailangan.


Sa “continuity plan” ng LGU sa ilalim ng kautusan ni Arnado, hinahanda ng munisipyo ang ayuda upang makapagbigay ng patuloy na suporta sa mga apektadong pamilya kapag naubos na ang QRF na galing sa mga barangay. Ang istratehiyang ito ay inihanda mula sa kaisipang maaari pang magtagal ang community quarantine bunsod ng walang kasiguruhang matatapos na ang public health crisis na ito.


Noong isang linggo ay ipinag-utos ni Presidente Duterte na patuloy ang enhanced community quarantine sa mga “high-risk areas” hanggang May 15. Kasabay nito, ang mga “low-risk areas” naman ay isasailalim sa general community quarantine. Kasama ang Northern Mindanao sa itinuturing na low-risk areas.


Sa kabuuan, mahigit 7,500 na kaso na ng COVID-19 ang naitala ng Department of Health. Nasa 500 naman ang pumanaw dahil dito. Sa Lanao del Norte, nananatiling isa lang ang kumpirmadong kaso.


Photo: Tig-limang kilong bigas ang ipinamimigay sa mga bahay-bahay sa Barangay Libertad (Lapayan), Kauswagan, Lanao del Norte mula sa quick response funds ng barangay. Ang LGU ay kasalukuyang naghahanda sa potensiyal na extension ng regulasyon ng enhanced community quarantine. (Bejie Jimenez Piodos)

Inaasahang maglalabas ng panibagong kautusan ang Provincial Government of Lanao Del Norte at ang mga munisipyo nito sa susunod na mga araw.


Nais ni Arnado na paghandaan ang hinaharap kung kaya’t ang pondo ng mga barangay ang unang ginamit sa pagbigay ng ayuda.


Matatandaang kasama sa ipinag utos ng alkalde ang isama ang mga masusustansyang gulay sa pinapaabot na mga ayuda sa bawat tahanan kasama ang pagbibigay ng katiyakan na kayang tustusan ng Kauswagan ang mga pangangailangan nitong gulay maging produktong dagat sa loob ng quarantine period.


Samantala, patuloy pa rin ang koordinasyon ng LGU sa kabarangayan ayon kay Dr. Maximo Arnado Jr., ang Executive Assistant ng Office of the Mayor at handa na rin sa pagbibigay ng ayuda mula sa Bayanihan grant na mula sa nasyonal na pamahalaan.


“Nakikipag coordinate kami sa mga barangay chairmen at hiningi ang kanilang listahan sa mga nabigyan upang gamiting basehan sa susunod na pamimigay kung saan ang LGU na ang mangangasiwa nito,” ayon kay Arnado.

250 views0 comments

Recent Posts

See All