• HRS News

Kampanya laban COVID-19, pinaigting


KAUSWAGAN, LDN (17 Mar 2020) — Kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, mas pinaigting ang pag monitor ng mga residente dito.


Ayon kay Municipal Mayor’s Office Head Enforcer, Rondo L. Basco, sinisiguro ng kanilang tanggapan ang maayos na pagsunod at pagpapaigting ng kampanya laban COVID-19.


Inisa-isa ni Basco ang pagpapatupad ng mga ordinansa patungkol sa patakaran sa trapiko, curfew, at iba pang pagpapabawas ng human movement.


Nakikipagtulungan din ang LGU sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang mapanatili ang “peace and order.”


Dagdag pa ni Basco, mayroong higit kumulang dalawamput- limang kawani ang ipinakalat sa coastal barangays para sa “one-on-one discussions” sa mga residente tungkol sa COVID-19 sa pakikipagtulungan pa rin ng Barangay Health Emergency Teams o BHERTS.


Sa kabuuan, mapayapa umanong sumusunod ang mamamayan ng Kauswagan sa mga ordinansang ipinapatupad ng nasabing Munisipyo.


Kahapon ay pinirmahan ni Mayor Rommel Arnado ang mga Executive Order na nag-uutos sa pansamantalang pagsara ng “Longest Boardwalk” na dinadayo ng mga lokal na turista at mga bisita gabi-gabi.


Ipinatutupad na rin ang curfew simula kahapon mula alas 10 ng gabi hanggang alas 4 ng umaga.


Samantala, kinumpirma rin ni Barangay Bagumbayan Chairman, Cresencio L. Pacatang ang maigting na kampanya laban sa COVID-19 sa kanyang barangay.


Ayon sa kanya, “closely monitored” ang labing-apat na persons under monitoring o PUMs sa kanyang barangay at masigasig na isiniwalat na kasalukuyang negative ang kanyang barangay sa COVID-19. Sa kabuuan, wala pa ring natatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lahat ng barangay ayon kay Arnado.


Ayon sa report ng Municipal Health Office, nasa 80 ang naka monitor na PUMs base sa database ng BHERTs. Payo ni Dr. Dale Laguerta, ang mga residente ay makikipag ugnayan sa kani-kanilang BHERT teams sa kinasasakupang barangay upang masiguro ang tracking at monitoring ng mga residenteng bumiyahe sa Metro Manila, Luzon at ibang bansa.

85 views0 comments