• HRS News

Hugyaw Festival 2020, ipinagpaliban


Ang Hugyaw sa Kadagatan sea dance ay isa sa mga pinakamalaking highlights ng Hugyaw Festival sa Kauswagan, Lanao del Norte sa araw ng kapistahan at founding anniversary ng bayan. Ang Festival ngayon taon na dapat gaganapin sa Abril 25 ay ipininagpaliban dulot ng enhanced community quarantine at COVID-19 preventive measures. (Photo: B.Brigente/Kauswagan)

KAUSWAGAN, LANAO DEL NORTE (24 Abril 2020) – Espesyal ang buwan ng Abril para sa mga taga Kauswagan dahil sa taun-taong sabay na pagdiriwang dito ng founding anniversary at town fiesta ng patron na si Sr. San Vicente Ferrer.


Pinagkakaabalahan at pinaghahandaan ng mabuti ang nasabing selebrasyon dahil dinadayo ito ng mga bisita mula sa iba’t ibang lugar at taga karatig bayan. Ang isang linggong selebrasyon ng Hugyaw Festival kada taon ay isa sa pinakamalaking pagtitipon sa buong Lanao del Norte na isa sa mga dahilan ng pag akyat ng bilang ng mga turista sa bayang ito.


Iba’t-ibang aktibidad na ginaganap sa selebrasyong ito katulad ng street dance at sea dance, Miss Hugyaw beauty pageant, organic farming symposium, agri-aqua fair, annual kasalang bayan, youth at sports promotion, at marami pang iba. Tinataon din sa linggong ito ang annual “Lanorteman” triathlon na pinapamahala ng provincial government ng Lanao del Norte.


Bagama’t pinaghandaan ng local na pamahalaan noon pang buwan ng Enero ang inaabangang kapistahan, nagpalabas ng anunsyo at panawagan kahapon ang alkalde ng Kauswagan na si Mayor Rommel C. Arnado patungkol sa pagpapaliban ng selebrasyon sa pag gunita ng dalawang selebrasyon.


“Sa unang pagkakataon, wala tayong fiesta celebration. Hinihikayat ko kayong magdasal kay Sr. San Vincente at gunitain pa rin natin ang ating Charter Day – ang araw ng pagkabuo ng ating bayan sa April 25. Pero hinihingi ko lahat na huwag na lang tayo maghanda at huwag tayong mag-imbita ng mga bisita,” ani Arnado sa isang video message na inilabas kahapon.


Ang pagpapaliban ng selebrasyon ay ayon sa sinusunod na mandato mula sa national government na nagbabawal ng mga pagtitipon-tipon at mga salu-salo. Maging ang mga religious gatherings ay mahigpit na ipinagbabawal.


Dagdag pa ni Arnado, ang hangarin ng pagpapaliban ay upang gumaan ang sitwasyon sa susunod na buwan.


“Kung nais nating gumaan na ang ating sitwasyon sa unang linggo ng Mayo, kailangan nating gawin ito,” dagdag ni Arnado.


Pinaalalahanan din ng alkalde ang lahat na kailangang patuloy na sumunod sa ipinapatupad na kautusan ng munisipyo maging ang mandato mula sa National Government.


Pinaigting na din ng LGU ang lahat ng checkpoints sa araw ng kapistahan at bawal nang pumasok ang mga bisita sa nasabing munisipyo. (PR Kauswagan)

41 views0 comments

Recent Posts

See All