• HRS News

FEATURE: Mga kababaihang magsasaka, nag-sauli ng natanggap na ayuda mula sa gobyerno

Updated: May 13, 2020


Isa sa tatlong magsasaka si Risalina Patay ng Brgy. Tacub, Kauswagan, Lanao del Norte, na nagpasyang magbalik ng natanggap na 6,000 pesos mula sa Social Amelioration Program ng DSWD. (Photo: J.Umaran/LGU Kauswagan)

(Ni: Sweet Lucman / LGU Kauswagan)


KAUSWAGAN, LANAO DEL NORTE – Ang may mabuting kalooban ay palaging pinagpapala. Ito ang paulit-ulit nating naririnig sa ating mga magulang at mga ninuno, at “honesty is the best policy,” ito pa rin ang pianakamagandang kasabihan na maaaring maipamalas ng kahit sino sa kabila ng pakikipaglaban sa buhay lalo nitong panahon ng krisis dulot ng nakamamatay na COVID-19.

Tatlong kababaihang magsasaka dito ang nagsauli ng natanggap na tig 6,000-pisong ayuda mula sa pamahalaan.


Si Risalina Maglinaw Patay, 68 years old, isa sa mga magsasaka, ay kasalukuyang naninirahan sa Barangay Tacub at nagpasyang ibalik ang natanggap na 6,000 pesos mula sa Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipinamahagi kamakailan lamang.


Ayon kay Risalina, kanyang napagtanto na isauli ang natanggap dahil umano kasalukuyan silang miyembro ng Senior Citizen Pensioner sa kanilang Barangay.


Ang Senior Citizen Pensioner ay isa pa rin sa mga programa ng DSWD kung saan nakakatanggap ang mga senior citizen ng tig 500 kada buwan at hindi kasama sa maaaring tumanggap ng Social Amelioration Program ng DSWD.


Nang nabalitaan ni Risalina na tatanggalin sa listahan ng mga pensioner ang sinumang tatanggap ng SAP, agad niyang kinumbinsi ang kanyang asawa na isauli ang natanggap dahil ayon sa kanya ito’y panandalian lamang habang ang kanilang tinatanggap na pension ay panghabang buhay.


“Ang SAP man gud lumalabay lamang, dili nko ibaylo ang among pension,” ayon kay Risalina.


(Ang SAP kasi panandalian lamang, hindi ko ipagpapalit ang pension.)


Likas na katapatan at mabuting kalooban


Naisip ni Risalina na mas marami din ang nangangailangan sa ngayon kung kayat minabuti niyang isauli upang maibahagi pa umano ito sa iba na walang-wala din at lubos na naapektuhan ng krisis na ito.


Batid ni Risalina ang hirap ng buhay kaya nais niyang ibalik ang 6,000 upang mapakinabangan ng ibang mas malaki ang pangangailangan.


Ibinahagi ni Risalina ang kanilang pang araw araw na kalakaran.


Aniya, mayroon siyang dalawang apo na naulila na sa magulang at kasalukuyang nasa ilalim ng kanyang pangangalaga at isang anak na may deperensya sa kalusugan ngunit hindi ito balakid sa kanya, bagkos ito’y nagsisilbing inspirasyon upang ipagpatuloy ang gulong ng buhay.


Kwento ni Risalina, “Ga garden pud ko sa Maani kay ako pud ibaligya, dayon ang halin ako pud ipalit ug bahug.”


(May pananim din ako sa Maani, ibinibenta ko rin ang ani at ang kita ko ay binibili ko ng pagkain para sa mga alagang hayop).


Simpleng kasiyahan sa kabila ng mga hamon


Magiliw naman ikinwento ni Risalina ang minsan tinamasang masaganang ani ng kamote. Dahil sa kanyang kita, nakabili siya ng isang television set na matagal na umanong hinihiling ng kanyang anak.

May mga panahon na medyo madalang ang ani kaya may hamon din sa kanilang pang araw-araw na pagkain, ngunit di alintana ni Risalina ang mga ito dahil kanyang iniisip na ang taong nagtatanim ay may aanihin bastat magsipag lang ito.


Ayon sa kanya, ang taong marunong magsikap, kailanman ay hindi magugutom.


Ang pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng pamilya ni Risalina. Ito lang din daw ang alam nilang paraang pangkabuhayan.


“Basta mag kugi lang ang tawo, mabuhi jud, ako, mag-uma jud mi kay maoy amoa, dali ra kau, makabaligya pa ta, makakaon pa ta,” sabi ni Risalina.


(Basta’t magsikap lamang ang bawat isa, mabubuhay talaga, ako, magsasaka talaga ako kasi yun din ang alam ko, pwede pa ibenta, sigurado pa ang pagkain namin).


Ang Kauswagan ay nakilala bilang model community dulot ng ‘long-term sustainability plan’ sa ilalim ng SIKAD PA vision o ang “Sustainable Integrated Kauswagan Area Development and Peace Agenda” na isinulong ni Arnado noong una syang naluklok sa pwesto. (Photo: J.Umaran/LGU Kauswagan)

Taus-pusong pasasalamat


Taus-pusong nagpapasalamat si Risalina kay Mayor Rommel Arnado sa mga tulong na binibigay ng lokal na pamahalaan. Ayon sa kanya, kahit sa kasuluk-sulukan ng bayan ng Kauswagan ay umaabot ang mga ayuda.


“Pasalamat jud ko ni Mayor kay iya baya ko gitagaan ug kabaw, kaming mgma farmers, katabang nako sa umahan,” sabi ni Risalina.


(Nagpapasalamat talaga ako kay Mayor, binigyan niya ako ng isang kalabaw, katuwang ko sa aming sakahan).


Malaki din ang kaniyang pasasalamat nang makatanggap ng isang sakong bigas na may 25 kilo at maging ang mga naunang naipamahagi ng kanyang barangay.


Maging ang Municipal Agriculturist na si Adelino Rico ay kanyang pinasalamatan dahil hindi siya nahihirapang mag benta ng kanilang mga ani at ginagabayan silang mga magsasaka maging sa pag-aalaga ng mga hayop.


Samantala, nagbalik din ng 6,000 pesos si Casana Pernia, isang magsasaka at government pensioner mula barangay Inudaran sa paniniwalang mas marami pa ang nangangailangan ng ayuda. Si Ritchelle Momo, isang 4Ps beneficiary, ay nagsauli din ng P1,300 na natanggap nitong ayuda.

Sa gitna ng krisis at walang kasiguraduhan kung ano ang madadatnan at matatamasa sa darating na mga araw, pinili pa rin ng mga kababaihang magsasaka ang ipamalas ang nilalaman ng kaibuturan ng kanilang puso. Sa halip na magtago at huwag ipaalam ang natanggap na ayuda, mas ginusto nilang maging tamang ehemplo sa panahon ng kahirapan.


Sa likod ng mga negatibong pangyayari sa bansa at buong mundo, ang kwento ni Risalina, Casana, at Ritchelle ay naghahatid ng bagong pag-asa sa panahon ng kagipitan at pangangailangan.

Ang Kauswagan ay nakilala bilang model community dulot ng ‘long-term sustainability plan’ sa ilalim ng SIKAD PA vision o ang “Sustainable Integrated Kauswagan Area Development and Peace Agenda” na isinulong ni Arnado noong una syang nailuklok sa pwesto.


Sa ilalim ng SIKAD PA, naging matagumpay ang programang ‘Arms to Farms’ kung saan ang mga dating kumander ng MILF ay nangunguna sa pagbuo at pangangasiwa ng mga organic farms sa mga barangay.


Nanalo noong 2016 ng UCLG Peace Prize sa Bogota, Colombia ang Kauswagan dahil sa programang ito na nagsusulong ng kapayapaan at seguridad sa pagkain.


Si Ritchelle Momo (itaas) na isang 4Ps beneficiary ay nagsauli ng 1,300 pesos mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD upang bigyan ng pagkakataon ang iba pang mas nangangailangan na makatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. Si Casana Pernia (ibaba) ay nagbalik naman ng 6,000 pesos mula sa SAP, sa kadahilanang tumatanggap na sya ng suporta sa gobyerno bilang isang government pensioner. (Photos: LGU Kauswagan)

137 views0 comments

Recent Posts

See All