• HRS News

COVID-19 patient sa Iligan, lubhang nasasaktan dahil sa diskriminasyon



MA. CRISTINA, ILIGAN CITY — Lubhang naaapektuhan ang isang pamilya dito bunsod ng pagkaka-kumpirmang apat na miyembro ng kanilang pamilya ay nag positibo sa nakamamatay na coronavirus disease o COVID-19. Dagdag dito, pumanaw dahil sa sakit ang kanilang 83 anyos na ina.

Sa isang phone interview, inilahad ng ginang ang pagkabigo at ang labis na pagdadalamhati sa sinapit ng kanilang buong pamilya. Kasama sa nag positibo ang kanyang asawa at bunsong anak na apat na taong gulang.

Kamakailan lamang ay binawian ng buhay ang kanyang ina matapos itong inubo at nagkalagnat. Huli na nang malamang COVID-19 positive ito at hindi na kinaya ng katawan nito ang virus. Dati nang may karamdaman ang ina at mahina ang katawan nito.


Sa kasalukuyan ay naka-lockdown ang tatlong purok ng kanilang barangay at umaasa lamang ang mga residente dito sa anumang tulong mula sa labas.


Sa likod ng lahat ng pagdadalamhati at kasalukuyang karamdaman, mas masakit umano ayon sa ginang ang naranasang diskriminasyon ng kanilang buong pamilya. Nag viral sa social media ang iilang posts ng mga kapitbahay na diumano’y nagrereklamo kung bakit hindi kinukuha ang buong mag anak ng LGU at Department of Health. Nananawagan ang COVID-19 patient na sana’y intindihin ng mga tao ang kanilang kalagayan at huwag silang sisihin dahil sa kanilang sinapit. Parehong asymptomatic ang mag-anak maliban sa isang anak na nakaranas umano ng ubo at lagnat noong isang linggo.


Habang naka-monitor ang DOH Region X sa kondisyon nila, giit ng ginang na hindi pa rin sapat ang nakukuha nilang suporta sa local government unit. Bukod sa hirap ng pagbili ng pagkain sa labas, ang tanging nagbigay umano ng pagkain ay ang opisyales ng barangay, mga kaanak at kaibigan nito. Ayon sa ginang, nangangailangan sila ng antibiotics at anumang gamot na magpapalakas ng kanilang resistensiya.


Nakiusap ang pamilya na huwag silang dalhin sa isolation facility dahil sa napabalitang hindi naman handa ang mga pasilidad na ito para sa mga pasyente. Mas komportable umano sila na nasa bahay lang lalo pa’t may mga batang apektado din.


Hinihintay pa ang resulta ng swab test ng tatlo pa nilang anak. Sa loob ng kanilang compound, tatlong pamilya at may labing-tatlong tao sa kabuuan ang naapektuhan.

Ayon sa barangay kapitan dito, sinisikap nila ang makakaya upang matustusan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya sa tatlong purok na naka-lockdown.

1,252 views0 comments

Recent Posts

See All