• HRS News

Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa Program, pormal na binuksan sa Lanao del Norte


Sabay-sabay na nagdasal ang mga kinatawan ng LGU at national government agencies sa ginawag groundbreaking ceremony at laying of capsule sa sinisimulang model community sa barangay Tacub, Kauswagan, Lanao del Norte. (Photo: J.Umaran)
Sabay-sabay na nagdasal ang mga kinatawan ng LGU at national government agencies sa ginawag groundbreaking ceremony at laying of capsule sa sinisimulang model community sa barangay Tacub, Kauswagan, Lanao del Norte. (Photo: J.Umaran)

ILIGAN CITY (25 Hunyo 2020) — Ginanap araw ng Miyerkules ang ‘groundbreaking ceremony‘ ng implementasyon ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa (BPBP) Program sa barangay Tacub, Kauswagan, Lanao del Norte at nagpahiwatig ng suporta ang mga national government agencies na kasapi ng BPBP Program Council kung saan 200 pamilya ang mabibigyan ng pagkakataong makauwi sa probinsiya mula sa malalaking siyudad ng bansa katulad ng Metro Manila, Cebu at Davao ngayong 2020. 


Ang aktibidad ay inorganisa ng local government unit (LGU) sa pangunguna ni municipal mayor Rommel Arnado. Dumalo ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensiya katulad ng Mindanao Development Authority o MinDA kasama si Secretary Manny Piñol. Ang mga ahensiyang DSWD, TESDA at DTI ay nagpadala ng mga opisyales mula sa rehiyonal at probinsiyal na mga tanggapan nito.


Kasama sa aktibidad ang mga Sangguniang Bayan members, department heads at iilang empleyado ng LGU.


Dumalo din ang kinatawan ni Lanao del Norte Governor Imelda ‘Angging’ Dimaporo na si Lyndon Calica, Provincial Information Officer, upang saksihan ang nasabing aktibidad. 


Matatagpuan sa Tacub ang napiling lugar na pagpatatayuan ng 100 duplex houses. Kasalukuyang inaayos ang preparasyon ng 6.3 ektaryang lupain na parte ng ibinigay na suporta ng GN Power Kauswagan Ltd sa munisipyo. 


Ang GN Power ay nagbigay ng 10 milyong piso sa LGU Kauswagan bilang tulong sa proyektong ito kasabay ng kanilang pangako sa patuloy na pagtulong ng komunidad kung saan nakatayo ang isa sa mga pinakamalaking power plants sa Mindanao. 


Ginagawa na rin ang model house sa mismong lokasyon at inaasahan itong matatapos ngayong linggo. 


Ang National Housing Authority (NHA) ay naglaan ng 40 milyon para sa nasabing proyekto na nakatakdang tapusin sa taong ito. Naunang ibinalita ni NHA General Manager Marcelino Escalada Jr. sa pulong kasama si Gob. Dimaporo na ang programa ay may iba’t ibang ‘phase.’


Ang Lanao Del Norte project ay napabilang sa ‘short-term/immediate phase’ na itatayo ngayong taon. 

Samantala, inilahad ni Piñol sa sumunod na press briefing na ‘deferred’ ang implementasyon ng Balik Probinsiya nang tinanong ng media tungkol sa napabalitang suspensyon.  


“The right word is ‘deferred’ and not suspended,” ayon kay Piñol.


Klinaro ng kalihim na ‘deferred’ ang national implementation ng programa subalit tuloy pa rin ang implementasyon ng BPBP sa Lanao del Norte.


Pinangunahan ni Piñol at Arnado ang pagbaon ng isang kapsula na naglalaman ng plano o blueprint ng project site na pinangalanang “Bagong Pag-Asa Organic Village.” 


Nagpahayag ng kani-kanilang suporta ang mga representante ng DTI, TESDA, at DSWD sa Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa Program sa Kauswagan, Lanao del Norte. (Photo: H.Clavite)
Nagpahayag ng kani-kanilang suporta ang mga representante ng DTI, TESDA, at DSWD sa Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa Program sa Kauswagan, Lanao del Norte. (Photo: H.Clavite)

Ayon kay Arnado, isang ‘challenge’ ang programa para sa munisipyo subalit isang malaking oportunidad din ito sa komunidad. “Balik Probinsiya is a big challenge to the Municipality but it is never a burden to help our fellow Filipinos. This is a great opportunity for Kauswagan,” ayon kay Arnado.


(Ang ‘Balik Probinsiya’ ay malaking challenge para sa munisipyo subalit kailanman ay hindi pabigat ang pagtulong sa ating kapwa Pilipino. Isa itong oportunidad para sa Kauswagan.)


Ang bayan ng Kauswagan ay napiling model community para sa programa sa kadahilanang isa ang bayang ito sa mga pinakahandang munisipyo sa bansa upang makabuo ng “holistic” na programa sa tagumpay ng proyekto. 


Ayon kay Piñol, naniniwala siyang handa na ang Kauswagan sa kabila ng pandemyang hinaharap ng mga Pilipino upang isakatuparan itong programa ng national goverment.

Sinaksihan din ng isang investor mula Davao City ang kaganapan at nagpahiwatig itong ang kumpanya nila ang bibili ng lahat ng mga chicken broiler na manggagaling sa Bagong Pag-Asa Organic Village. Ayon kay John Tan, CEO ng Eng Seng Food Products, nakahanda ang kanilang kumpanyang sumuporta sa layunin ng gobyerno.


Potensiyal na COVID-19 local transmission


Sa mga balitang nagkaroon ng takot ang mga mamamayan na ang programa ay magdadala ng local transmission ng COVID-19, nagbigay ng paniniguro si Arnado na gagawin ng project management office (PMO) na pinangungunahan nito, na masunod ang lahat ng health protocols oras na magsimula nang magsiuwian ang mga taga Lanao del Norte. Dagdag dito, klinaro din ni Piñol na sa ilalim ng Balik Probinsiya Program, wala pang nakakauwing mga pamilya sa Mindanao.


Pinaliwanag ng MinDA Chief na ang Balik Probinsiya ay iba sa Hatid Probinsiya Program na nagpapauwi ng mga locally-stranded individuals (LSIs) mula sa iba’t ibang lugar. Hindi rin ito kaugnay ng kanya-kanyang programa ng provincial governments na nagbibigay tulong na makauwi ang mga kababayan nitong panahon ng pandemya.


Ibinalita din ni Calica na naging matagumpay ang programang Balik Lanorte kung saan tinutulungan ng probinsiyal na pamahalaan na makauwi ang mga taga Lanao del Norte’ng na stranded sa Metro Manila.


Dagdag ni Piñol, hindi rason ang COVID-19 upang matigil ang layunin ng pamahalaan na matulungan ang mga kababayang nais nang makauwi sa probinsiya. Sa konsepto ng Balik Probinsiya na binuo ni Senador Bong Go, layunin ng gobyernong ma-decongest ang malalaking siyudad sa bansa dahilan ng pagkabuo ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa Council sa ilalim ng Executive Order No. 114 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.


“Ang COVID-19 ay temporary at dapat hindi ito magiging hadlang. COVID-19 should not stop us, but we should be prepared. Mahalagang makipag-ugnayan sa LGU kasi sila ang nagma-manage ng mga benepisyaryo,” ayon kay Piñol.


Malapit na koordinasyon ang ginagawa ng munisipyo at probinsiya upang masigurong masunod ang health standards ng DOH patungkol sa pagbiyahe ng mga pauwing mga taga Lanao del Norte.


Inaasahang magsimulang magsiuwian ang mga mapipiling pamilya buwan ng Setyembre. Binigyang diin ni Calica na suportado ng Probinsya ang programang ito dahil umano hindi lamang Kauswagan ang makikinabang kungdi ang buong Lanao del Norte.

23 views0 comments

Recent Posts

See All